Tiniyak ng mga aktibista’t mga grupong magdaraos ng kilos-protesta bukas na magiging mapayapa ang kanilang mga programa.
Sa isang panayam, sinabi ni Bayan Secretary General Renato Reyes na tatalima naman sila sa mga itinakdang panuntunan ng mga otoridad.
Aniya, idaraos nila ang kanilang kilos-protesta sa itinakdang freedom park partikular sa Liwasang Bonifacio.
Matapos nito ay mapayapa rin naman daw silang magdi-disperse.
Nanindigan din ito na dapat nang ihinto ng mga Kapulisan ang pananakot sa mga raliyista lalo na’t ang gusto rin naman nila ay payapang makapaglabas ng saloobin sa gobyerno.
Samantala, umapela rin si Reyes sa papasok na administrasyon na makipagtulungan pa rin sa imbestigasyon ng International Criminal Court sa kampanya laban sa iligal na droga ng administrasyong Duterte.
Ginawa ni Reyes ang pahayag matapos sabihin ng ICC na bubuksan nitong muli ang imbestigasyon sa drug war ng Gobyerno.
Ayon kay Reyes, wala namang mawawala sa Pilipinas kung magkakaroon ng reinvestigation at hindi na dapat ituloy pa ang pagtatakip sa mga indibidwal at ahensyang responsable sa mga namatay.
#