Idineklara na bilang drug-cleared municipality ang bayan ng Quezon sa lalawigan ng Isabela.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay PMaj. Roberto Valiente, sinabi niya na maraming pinagdaanang proseso at isinagawang mga aktibidad bilang requirements alinsunod sa drug-clearing program ng PDEA.
Aniya, nitong November 19, 2021 ay tuluyan nang idineklara bilang drug cleared municipality ang kanilang bayan.
Ayon kay PMaj. Valiente, isa itong collaborative effort ng PNP, Local Government Unit sa pamumuno ni Mayor Jimmy Gamazon at ng Municipal Government Local Operations Office (MGLOO).
Tulong-tulong aniya ang mga ahensyang ito para maisakatuparan ang kanilang mga aktbidad sa pamamagitan ng mga executive at legislative issuances bilang suporta sa anti-illegal drug program.
Nangangahulugan lamang aniya ito base sa kanilang mga iprinisintang dokumento na sa ngayon ay wala nang barangay ang apektado pa ng iligal na droga.
Inihayag din ng hepe na hindi pa rin sila pakakampante at patuloy ang kanilang maigting na pagbabantay upang hindi na manumbalik o masangkot pa sa iligal na droga ang naturang bayan.
Aniya, patuloy din ang kanilang pagpapaigting ng intelligence and information gathering para malaman ang mga tao na possible na masangkot sa ganitong aktibidad lalong-lalo na sa mga karatig lugar upang hindi makapasok sa bayan ng Quezon.
Isang malaking hamon din aniya na mapanatili ang status na ito ng munsipalidad kaya naman nanawagan siya sa kanilang mga kababayan na tulungan ang hanay ng kapulisan.
Aniya, akipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan sakaling may nalalaman na sangkot sa ganitong aktibidad upang mabigyan ng tamang interbensyon.