LEGAZPI-Hinimok ni Albay 2nd Distric Representative Congressman Joey Sarte Salceda ang gobyerno na amyendahan na ang batas patungkol sa pagbili ng kailangan ng bawat ahensya sa mababang halaga.
Ito nga ay matapos nang malaking isyu sa sinagawa pagdinig ng House Committee on Public Accounts, na sa ulat ng COA gumastos ang Department of Health (DOH) ng P11.9 milyon para sa 31 yunit ng ‘videoconferencing equipments’ o mga P380,000 bawat unit nito, samantalang ito’y mabibili naman sa presyong P120,000 o P260,000 higit na mura bawat isa.
Ayon kay Salceda dapat baguhin na rin ang sistema sa pagsuma ng ‘absorptive capacity’ o kakayahan sa wastong paggasta ng isang ahensiya sa badyet nito.
Aniya, maaaring pataasin ang antas ng serbisyo at ‘transparency’ ng Procurement Service (PS) ng Department of Budget and Management (DBM), na ang mandato ay bumili ng pangkaraniwang mga kailangan gaya ng papel, ‘electronic’ na gamit, sasakyan at tiket sa eroplano.
Ang problema umano ay “naging ‘middleman’ ang DBM-PS o tagapamagitan ng mga ahensiya o ‘price aggregator’ na bumibili at nagbebenta ng mga kailangan nila.”
Ipinapanukala ni Salceda na magsilbi ang DBM-PS bilang isang ‘online shopping network’ kung saan ang mga negosyante ay maaaring magbenta ng mga produkto nila sa mga ahensiya ng pamahalaan.