Nilinaw ng Malacañang na ipapatupad lang ang pag-aresto sa mga indibidwal na tatangging magpaturok ng COVID-19 vaccine sa oras na maipasa ang batas na nag-uutos na gawing mandatory ang vaccination.
Ang pahayag ni presidential spokesperson Harry Roque ay kasunod ng banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na aarestuhin ang mga indibidwal na ayaw magpabakuna.
Sinabi naman ni Roque na ang gobyerno ay mayroong inherent police power na magpatupad ng mga polisiya na maaring malabag ang karapatang pantao sa ngalan ng pagprotekta sa kalusugan ng publiko.
Mababatid na maliban sa bantang pag-aresto, sinabi ni Duterte na ang mga ayaw magpabakuna laban sa COVID-19 ay papuntahin nalang sa India o turukan ng ivermectin, na isang anti-parasitic drug para sa mga hayop.
Pero depensa ng kalihim, ang naturang mga pahayag ng pangulo ay hindi dapat literal na bigyan ng kahulugan. // MHEL PACIA-TRINIDAD