SORSOGON CITY – Nasa apat na baril, isang sumpak, magazine at mga bala ang sinurender ng dalawang indibidwal matapos ang ikinasang ‘Oplan Katok’ ng mga personahe ng Placer Municipal Police Station sa lalawigan ng Masbate.
Batay sa ulat, nagtungo ang mga pulis sa bahay ng dalawang indibidwal sa Brgy Luna ng nasabing bayan at hinikayat ang mga ito na isurender ang kanilang mga hindi lisensiyadong baril para makaiwas sa anumang disgrasya at asunto.
Kabilang sa mga isinurender ay tatlong kalibre .38 revolver at 6 na bala nito; isang kalibre 45 na pistola at 5 bala nito, isang magazine at isang sumpak.
Ayon sa pulis, ang dalawang kalibre .38 na revolver at sumpak ay pag-aari ng isang 65-anyos na magsasaka habang ang isa pang kalibre 38 na revolver at kalibre 45 na pistola ay pag-aari naman ng isang 46-anyos na magsasaka.
Paalala ng pulisya na kailangan ng lisensiya ng lahat ng gustong humawak ng baril at may listahan din sila ng lahat ng may lisensya kaya’t kinakatok nila ang mga hindi nakakapag-renew.
Maaari umanong pansamantalang ibigay sa kustodiya ng pulisya ang baril na may pasong lisensiya para sa safekeeping nito.

