Hinikayat ni Senate Committee on Ways and Means, Chairperson, Senador Win Gatchalian ang lokal na pamahalaan ng Caloocan na payagan ang Philippine Statistics Authority (PSA) na mag-imbestiga sa kanilang naturang lugar.
Ito ay matapos matuklasan ng opisina ni Gatchalian na peke ang mga baptismal certificates ng dalawang kapatid ni Alice Leal Guo na sina Seimen at Wesley Guo na siyang ni-register naman ng isang lalaking nagngangalang ‘Antonio’.
Kasunod nito, nagpaabot naman agad ng negative certificate ang San Roque Cathedral Parish upang pabulaanan ito dahil wala naman ito sa kahit anong baptismal records nila.
Ayon sa senador, posibleng isa lang din ito sa mga halimbawa ng ‘fraud at source’ na nangyayari sa PSA kung saan nagbibigay ng mga mali-maling supporting documents.
Dahil dito, binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang mapayagan ang PSA na maimbestigahan ito upang malaman ang katotohanan at problemang kailangang ayusin sa likod nito.