Bangkang pangisda tumaob sa karagatang sakop ng Mercedes matapos hampasin ng malalakas na alon, 5 sakay nito ligtas

Tumaob ang isang bangkang pangisda kahapon sa karagatang sakop ng Mercedes, Camarines Norte sa kasagsagan ng malakas na alon dahil sa Northeast Monsoon.

Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard, pasado alas 2 ng hapon, kahapon nang maireport sa kanila ng MDRRMO- Mercedes ang hinggil sa lumubog na bangka sakay ang limang mangingisda na kinilalang sina Ronald Nemie 42, Orlando Abainca 52, Alexis Nemie 38, Ricky Tindenilla 30 at Elmer Valencia 26, pawang residente ng Barangay Mambungalon sa naturang bayan.

Batay umano sa salaysay ni Nemie, may ari at operator ng lumubog na bangka, pauwi na sila galing sa Solong Bato kung saan sila nangisda nang abutan at hampasin ang kanilang sinasakyang bangka ng malalaking alon sa may bahagi ng Canimog island.

Read More:  Missing 19-year-old woman found dead in Cebu

Kumapit umano sila sa katig ng bangka pero napahiwalay si Valencia.

Dahil dito inalerto ang mga kalapit na coastal barangays para mahanap ang nawawalang mangingisda.

Pasado alas 7 ng gabi kagabi ay iniulat ng MDRRMO sa Coast Guard na ligtas na nakauwi si Valencia.

Dinala umano ito sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa kaukulang atensyong medikal.

Read More:  CCTV captures computer shop robbery in Talisay City

Nagpaalala naman ang Coast Guard sa mga may ari at operator na palaging i- check ang kondisyon ng kanilang bangka bago pumalaot.

Higit sa lahat ay maging mapagmatyag at alamin lagi ang balita sa lagay ng panahon.

Nakataas  ngayon ang gale warning sa karagatang sakop ng Camarines Norte.

Simula pa kahapon ay nagpalabas na rin ng Sea Travel Advisory ang Coast Guard kung saan hindi pinapayagan ang pagpalaot ng mga bangkang 250 G.T. pababa.