Opisyal nang tinanggal ng Nationalist People’s Coalition (NPC) ang suspendidong Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo mula sa political party sa gitna ng mga reklamong inihain laban sa kanya alinsunod sa umano’y pagkakasangkot niya sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang bayan.
Alinsunod ito sa kautusan ni NPC chairman Vicente “Tito” Sotto III.
Ang pagkatanggal kay Guo sa NPC ay tugon sa petisyon ni Tarlac Governor Susan Yap na inihain noong Hunyo 17.
Una ring inilabas ang ideya na ito ng kapwa miyembro ng NPC na si Senator Sherwin Gatchalian.
Noong nakaraang linggo, nagsampa ng reklamo ang mga awtoridad laban kay Guo dahil sa umano’y human trafficking na nagaganap sa ilegal na POGO hub sa nasasakupan nitong bayan.