CAMARINES NORTE- Mistulang pila sa isang blockbuster movie ang scenario sa Mercedes Evacuation Center kahapon sa nagpapatuloy na COVID- 19 vaccination sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.
Ang schedule ng pagbabakuna ngayong Linggo ay simula noong Lunes hanggang kahapon.
Sa susunod namang Linggo o sa November 2 at 3 ay magtutungo ang vaccination team ng LGU sa dalawang coastal barangay na Cayucyucan at Pambuhan.
Binuksan ng LGU ang pagbabakuna sa lahat ng nagnanais na 18 anyos pataas gayundin sa mga senior citizen at ng mga hindi pa nabibigyan ng second dose na lampas na sa nakatalang schedule.
Nag- deploy naman ng mga tauhan ang Mercedes Municipal Police Station upang siguruhing nasusunod ang health protocols.
Matiyaga namang pumila sa loob at labas ng vaccination center ang mga tao.

Batay sa datos ng Municipal Health Office hanggang noong October 21, nasa 10, 430 na ang nabakunahan sa naturang bayan.
Sa bilang na ito nasa 5, 591 ang nakatanggap ng first dose habang 4, 839 naman ang nabakunahan na ng second dose.
Kung maalala ay una nang inihayag ng Provincial Health Office na kailangang mag doble sipag ang vaccination teams ng mga Local Government Unit dahil patuloy umano ang pagdating ng bakuna sa lalawigan.

