Bagyong #GoringPH, humina, pero bagong bagyo, binabantayan

Mas humina pa ang binabantayang Bagyong Goring na siyang nagdadala ng mga pag-ulan sa hilagang bahagi ng bansa.

Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 245 kilometro Silangan ng Casiguran, Aurora.

Dala nito ang lakas ng hangin na 155 km/h at bugsong aabot sa 190km/h.

Nakataas pa rin sa tropical cyclone Wind Signal #1 sa Batanes, Babuyan Islands, Northern at Eastern portion ng mainland Cagayan, Eastern at northern portion ng Aurora, Polilio Islands, hilaga at silangang bahagi ng Camarines Norte, Camarines Sur, at hilagang bahagi ng Catanduanes.

Samantala, mas pinalakas naman na southwest monsoon o habagat ang mararanasan sa Aurora, Bataan, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol region, Visayas, Dinagat Islands, Camiguin, at malaking bahagi ng Zamboanga Peninsula.

Maliban dito, may binabantayan ding bagyo sa labas ng Philippine Area of Responsibility na may international name na “Haikui.”

Huling namataan ito sa layong 2,230 km silangan ng hilagang Luzon.

Inaasahang papasok ito sa bansa pagsapit ng Miyerkules ng gabi o Huwebes ng umaga.

Malabong magkaroon ito ng direktang epekto sa magiging panahon ng bansa, ngunit posibleng palakasin din nito ang habagat.