Bahagyang humina ang Tropical Depression Gener habang papunta sa West Philippine Sea.
Sa 11am bulletin ng PAGASA – huling namataan ang sentro ng bagyo sa may bisinidad ng Kibungan, Benguet.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot ng 45 kilometro kada oras at bugsong papalo ng hanggang 55 kilometro kada oras.
Nakataas pa rin ang tropical cyclone wind singal number 1 sa
Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, at Pampanga.
Posible itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong gabi, o bukas ng umaga.
Samantala, ang isa pang binabantayang bagyo na may international name na ‘Pulasan’ ay huling namataan sa layong 1,940 kilometro, silangan ng Northern Luzon.
Samantala ngayong araw, aasahan pa rin ang pabugso-bugsong pag-ulan na dala ng southwest monsoon o habagat sa bahagi ng Palawan, Occidental Mindoro, Aklan, Antique, at Negros Occidental.
Apektado rin nito ang nalalabing bahagi ng MIMAROPA, Western Visayas, at Negros Island Region kaya asahan ang minsanang mga pag-ulan.
May mga tiyansa rin ng katamtaman hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan sa nalalabing bahagi ng Luzon Visayas, Zamboanga Peninsula, BARMM, SOCCSKSARGEN, Caraga, at nalalabing bahagi ng Mindanao.