Nag-file na ng bagong diplomatic protest ang Gobyreno ng Pilipinas para sa pinakabagong insidente ng harassment ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isang pahayag, pero ‘di na muna idinetalye ang laman ng panibagong protesta.
Kasunod ito ng ginawang pagpapakawala ng flares ng People’s Liberation Army Air Force ng China, sa daraanan ng aircraft ng Philippine Air Force.
Nangyari ang insidente nitong August 8 sa bahagi ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal habang nagsasagawa ang Philippine Air Force ng routine maritime patrol.
Samantala, ‘di naman makaaapekto ang bagong protesta sa umiiral nang agreement sa pagitan ng Manila at Beijing.
Sabi ni National Security Council (NSC) assistant director general Jonathan Malaya, ang naturang usapan ay naga-apply lamang sa mga resupply missions sa Ayungin Shoal.
Airspace agreement sa pagitan ng Manila at Beijing, pinaplano
Hinimok ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya ang maritime security group ng bansa na maghain ng kasunduan kasama ang China upang maiwasan ang “hostile” acts sa airspace sa West Philippine Sea.
Ayon kay Malaya, maaaring ikonsidera ng maritime security council ang pagpasok sa guidelines para sa military encounters.
Aniya, layunin ng mungkahi niyang bagong kasunduan kasama ang China na mabawasan ang “provocation,” at mapigilan ang Beijing na gumawa ng mga hakbang na posibleng makonsiderang “hostile act” ng militar.
Sa pamamagitan din aniya nito ay maiiwasan ang miscommunication at misunderstanding sa mga flight.
#