Babaeng inatake ng pating, dinepensahan ang sarili gamit ang kamao

Florida, U.S.A– Pinaulanan ng suntok ng 42-anyos na si Heather West ang isang pating na umatake sa kanya habang sila ay nagsasagawa ng water activity sa ‘Dry Tortugas National Park’ kasama ang kanyang mga kaibigan.

Sa isang panayam, ikinuwento ni West na naramdaman niyang tila may nakakagat sakanyang paa at hinihila siya pailalim.

Ang buong akala niya umano ay pinaglalaruan lamang siya ng kanyang kasama ngunit nang siya ay lumingon, isang pating ang nakasakmal sakanyang binti.

Hindi nagpadala sa takot si West at sa halip ay dinepensahan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsuntok niya sa ulo ng pating hanggang siya umano ay makatakas at makaahon sa tubig.

Maswerte si West na tanging sugat lamang sa paa ang kanyang natamo sa insidente ngunit kinailangan pa rin siyang dalhin sa ospital upang lapatan ng lunas.

Ayon naman sa mga otoridad, posibleng “lemon shark” ang umataka sa babae na hindi naman umano lubhang mapanganib.### ROWELYN SARALDE, Intern