Natanggap ng City of Ilagan Tourism Industry ang kauna-unahang International award matapos tanghalin bilang ASEAN Clean Tourist City noong January 19, 2022.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay City Tourism Officer Ma. Cristina Simon, una rito ay naging nominado ang lunsod ng Department of Tourism Region 2 na mapasali sa naturang kompetisyon.
Aniya, matapos makakuha ng sapat na puntos ay sinuri na ang sustainable tourism commitment ng City of Ilagan kung saan kabilang dito ang pitong indicators.
Ito ay kinabibilangan ng Environmental Management, Cleanliness at Waste management, Health and safety, Awareness building about environmental protection and cleanliness, Geen spaces, Urban safety and security at Tourism Infrastructure and Facilities.
Ayon pa kay Tourism Officer Simon, malaki umano ang impact ng naturang award sa industriya ng turismo sa lunsod.
Nagpapatunay lamang aniya ito na namimintina ng City of Ilagan ang mga batayan ng turismo sa kabila ng nararanasang pandemya.
Dagdag pa nito, sa kabila ng limitadong operasyon ng kanilang tanggapan dahil sa mga sinusunod na health protocols ay naibibigay pa rin sa mga turista ang dekalidad na serbisyo at kaligtasan.
Muli naman nitong ipinaalala sa mga turista na kinakailangang magprisinta ng vaccination card upang makapasok sa mga tourist destination ng City of Ilagan.