Arroyo, pinabulaanan ang ulat na may basbas ni FL sa umano’y kudeta sa Kamara

Dinepensahan ni Deputy Speaker at former president Gloria Macapagal-Arroyo ang mga usap-usapan na iniuugnay si First Lady Liza Araneta-Marcos sa umano’y kudeta sa Kamara laban kay House Speaker Martin Romualdez.

Sa kanyang Facebook page, inihayag ni Arroyo na mayroong kumakalat na kwento na naloko siya ng isang babaeng kongresista, at napaniwala siya na ang planong kudeta sa Kamara ay may basbas ng First Lady.

Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si Arroyo sa pagkakadawit ni Araneta-Marcos sa political fantasy na issue sa House of Representatives.

Dagdag pa niya, disrespectful para sa First Lady at sa kanyang intelligence ang pagkakabanggit ng kanyang pangalan sa usapin.

Binigyang-diin ng Deputy Speaker na kung sino man ang nagpapakalat ng ‘pathetic rumors’ ang siyang nanloloko sa mga Pilipino.

Dapat na raw ng mga ito pagtuunan ng pansin ang pagbibigay ng positibong kontribusyon sa bansa. // SM, edited MHEL PACIA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *