Naniniwala ang ama ng isa sa mga nawawalang sabungero na may kinalaman ang security guards ng isang cockfighting arena sa Manila sa pagkawala ng kaniyang anak.
Sa Senate hearing ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, ay sinabi ng ama ni Jhon Claude Inonog, na nagawa niya pang matawagan ang kaniyang anak bago ito nawala bandang alas-7:45 ng gabi noong January 13.
Ayon sa kaniya, pinangalanan ni Jhon Claude ang tatlong security guards na nagsasakay sa kaniya at sa iba pang nawawalang mga sabungero sa isang sasakyan.
Hinimok naman ni Senate committee chairperson Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang ama ni Jhon Claude na pangalanan ang mga security guard.
Pero sinabi ng tatay, hindi pa siya sigurado sa mga pangalan at naalala lang niya ang naging usapan nila habang ginagawa ang pagdinig ng Senado.
Nangako naman ang ama ng nawawalang sabungero na ibibigay niya ang pangalan ng mga tinutukoy niyang tao oras na bumalik ang kaniyang alaala.
Meron rin aniya siyang mga litrato ng mga security guard na nakuhanan noong gabi ng January 13.
