Nilinaw ng kampo ng presidential candidate na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi pa kinukumpirma ng dating senador ang pagdalo nito sa debate na i-isponsoran ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Vic Rodriguez, makukumpirma lamang ang attendance ni Marcos kung maisisingit ito sa “hectic campaign schedules” ng presidential aspirant.
Matapos maglabas ng pahayag ng kampo ni Marcos, ay sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez sa Twitter na nakatanggap ang Comelec ng abiso tungkol sa kahandaan ni Marcos na magpartisipa sa #PiliPinasDebates2022.
Ipinost ni Jimenez ang sulat mula sa kampo ni Marcos na may petsang February 11 kung saan ay sinabing handa ang dating senador na lumahok sa presidential debate.
Gayunman, nakasaad rin sa sulat na makabubuti kung mabibigyan ang lahat ng presidential candidates ng oportunidad na matalakay muna ang format at mga isyu na pag-uusapan sa debate kasama ang poll body
Matatandaan na tumanggi rin si Marcos na dumalo sa presidential interview na kasama si Jessica Soho at sa forum na inorganisa ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.
Hindi rin pumayag ang dating mambabatas na sumali sa presidential debate sa darating na weekend na inorganisa ng isang TV news station.
