CAMARINES NORTE- Apat ang naghain ng kandidatura sa pagka Gobernador ng Camarines Norte sa katatapos lang na filing ng Certificate of Candidacy noong Biyernes.
Batay sa talaan ng Commission on Elections Provincial Office may mga personalidad ding hindi inasahan pero naghain ng kanilang COC.
Sa pagka Gobernador, naghain ng COC si incumbent Governor Edgardo Tallado sa ilalim ng PDP- Laban.
Makakalaban niya si dating Jose Panganiban Mayor Ricarte “Dong”Padilla na tumatakbo sa ilalim naman ng Aksyon Demokratiko
Sasabak din muli si Romeo Balmeo bilang Independent Candidate.
Si Balmeo ay palaging umeeksena tuwing eleksyon at naghahain ng COC.
Hindi naman inaasahan ang pagsabak sa gubernatorial race ng isang nagngangalang John Rom na tumatakbo sa ilalim ng Partido Pederal ng Maharlika.
Ni minsan ay hindi napag usapan ang pangalan ni Rom na tatakbo sa alinmang provincial position.
Tatlo naman ang tatakbong Bise Gobernador ang naghain ng kanilang COC.
Si Jonah Pimentel, na nanalong Bise Gobernador noong 2019 nang maliit na lamang pero hindi nakaupo sa pwesto dahil sa inihaing protesta ng kaniyang nakatungaling dating Alkalde ng Jose Panganiban sa isyu ng term limit.
Si Pimentel ay tumatakbo sa ilalim ng PDP- Laban at running mate ni Gov. Tallado.
Makalalaban ni Pimentel si Labo Mayor Joseph Ascutia na kumakandidato sa ilalim ng Liberal Party.
Si Ascutia ang ka- tandem naman ni Padilla.
Hindi naman inaasahan ang paghahain ng COC sa pagka Bise Gobernador ni Joselito Montemayor na mas kilala bilang “Buko King”.
Si Montemayor na dating kapitan ng pinakamaliit na Barangay sa bayan ng Basud na Binatagan ay kumakandidato sa ilalim ng Partido Pederal ng Maharlika.
Sa pagka kongresista ng unang Distrito ay muling lalaban para sa kaniyang ikalawang termino si incumbent Rep. Josefina “Josie” Baning Tallado, maybahay ni Gov. Tallado sa ilalim ng PDP Laban.
Makakatungali nito si dating Rep. Dr. Catherine Barcelona Reyes na kumakandidato sa ilalim ng National Unity Party.
Si Reyes ay dalawang beses natalo sa pagka Gobernador kontra kay Tallado noong 2016 at 2019.
Dalawa lang din ang magbabakbakan sa pagka kongresista sa ikalawang Distrito
Ito ay sina incumbent Congresswoman Marisol “Toots” Panotes para sa kaniyang huling termino sa ilalim ng PDP Laban.
Makakalaban ni Panotes si dating Congressman Renato “Kuya Jojo” Unico na tumatakbo sa ilalim ng Lakas CMD.
Nasa 24 naman ang mga kumakandidatong Bokal sa dalawang distrito ng probinsiya kung saan tatlo dito ay tumatakbong Independent.
