Anti-Kamote Driver Law, nais isulong ng isang kongresista

Naniniwala si PBA Party-list Representative Margarita Nograles na panahon na para protektahan ang mga responsableng driver laban sa di makatwirang pagkakabilanggo at solusyunan ang “reckless driving” sa bansa.

Inihain ni Nograles ang House Bill 10679 o ang Defensive Driving Act of 2024 na layong sugpuin ang reckless driving at protektahan ang mga inosenteng motorista.

Direkta umanong tinutugunan ng panukala ang panawagan ng publiko pati na ang mga di na mabilang na insidente kung saan nakukulong ang mga inosenteng driver dahil sa aksidenteng kagagawan ng mga iresponsableng indibidwal.

Read More:  Senate minority bloc members want Gatchalian as new SP

Sa ilalim ng Anti-Kamote Driver Law, hindi maaaring ikulong ang mga driver na sangkot sa aksidente kung makapagpapakita ng ebidensya na naging “defensive driver” sila.

Kabilang sa tatanggaping ebidensya ang dashcam footage, CCTV recording at iba pang video o photographic proof na tumatalima sa batas-trapiko bago at sa mismong pangyayari.

Aamiyendahan ng panukala ang Article 124 ng Revised Penal Code.

Ipinaliwanag ni Nograles na mahalagang hakbang ito tungo sa pagtataguyod ng responsableng pagmamaneho at hustisya para sa lahat.

Hindi aniya nagiging patas ang legal processes ng bansa lalo’t hindi lahat ng driver ay kayang magpiyansa at magbayad ng magaling na abogado.

Read More:  DENR preparing for possible impact of Super El Niño

Inihalimbawa pa nito ang kaso ng lasing na motorcycle rider na namatay noong Marso matapos magcounterflow at bumangga sa isang AUV sa Skyway Stage 3.

Isa pang insidente ang nangyari noong April 10 sa Cebu kung saan isang 60 years old na driver ang nakulong matapos sumemplang ang motorsiklo sa viaduct ng Cebu South Coastal Road partikular sa center island.

Tumilapon umano sa kabilang lane ang dalawang sakay ng motorsiklo at saka nabangga ng driver ng sasakyan.