Nakapagrehistro ng mataas na approval ratings ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa labing-isa mula sa labing tatlong ‘issues’ na kinakaharap sa kasalukuyan ng bansa.
Batay sa resulta ng September 2022 Ulat ng Bayan survey na isinagawa ng Pulse Asia, nakatanggap ng 78 percent approval ang Marcos administration pagdating sa pagresponde at paghahatid ng tulong sa mga apektadong lugar ng mga kalamidad kagaya ng bagyo.
78 percent approval din ang nakatanggap ng administrasyon para naman sa pagkontrol ng pagkalat ng covid-19 sa bansa.
Bukod dito, pumalo naman sa 69 percent approval ang nakuha ng administrasyon pagdating sa para sa pag-promote ng kapayapaan sa bansa; 68 percent approval para sa pangangalaga sa mga overseas Filipino workers at 67 percent approval naman sa paglaban sa kriminalidad.
Sa kabila nito, may ilang mga issues o mga suliranin ang nakakuha ng mababang approval ratings at mataas na disapproval ratings.

Kagaya ng pagkontrol ng administrasyon sa inflation o sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo na nakakuha ng 31 percent approval, at 42 percent disapproval.
Gayundin sa poverty reduction o pagbawas ng bilang ng mga mahihirap na Pilipino na nakakuha ang administrasyon ng 39 percent approval at 35 percent disapproval.
#
Anim sa bawat sampung Pilipino, nangangamba sa mga epekto ng inflation
Ang pagkontrol sa inflation ang pangunahin pa ring concern ng karamihan sa mga Pilipino na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno.
Sa survey nitong September 17 hanggang 21, 2022, lumabas na 66 percent mula sa 1,200 na respondents ang nagsasabing ang pagkontrol sa inflation ang ‘most urgent national concern’ sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Mababatid na nitong nakaraang buwan ng Setyembre, tumaas pa sa 6.9 percent ang inflation rate.
Samantala, bukod dito, umabot naman sa 44 percent ng mga Pilipino ang naniniwalang ang pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa ang ‘urgent national concern’.
Ayon sa Pulse Asia, sa pagitan ng June 2022 hanggang nitong September 2022, nagkaroon agad ng pagbabago sa opinyon ng publiko ukol sa urgent national concerns.
#
RELATED STORIES:
Economist lawmaker, inilatag ang mga hakbang sa Pangulo para matugunan ang inflation
Inflation rate ngayong Setyembre, lalo pang lumala at bumilis sa 6.9%

