Matapos ang ilang pagkilala o awards na natanggap ng isang Alternative Learning System (ALS) teacher sa Camalig, Albay mula lokal, national at hanggang international, nabigyan ngayon ng oportunidad ang nasabing guro na makilala ng Sangguniang Panlalawigan.
Sa panayam ng Brigada News FM kay Teacher Ana Marie Herera-Jacob, inihayag niya ang ilan sa kanyang mga natanggap na parangal, kung saan kabilang ang: Outstanding Teacher of the Year na ginawad dito sa bansa; Outstanding Educator of the Year na isang international award, kasama ang Asia’s Most Splendid and Inspiring ALS Teacher of the Year kung saan nakasama niya ang mga kilalang tao sa lipunan sa larangan ng medisina, sports, entertainment at iba pa.
Sa mga susunod na linggo naman ay igagawad na sa kanya ang Asia’s Royalty Award Most Powerful Educator in ALS; Most Remarkable Social Media Influencer sa Dakilang Pilipino, Most Outstanding Female Educator sa Gantimpalang Pilipino, at Gintong Parangal Most Inspiring Educator.
Aniya, isa marahil sa mga naging paraan upang mapabilang siya sa nominasyon ay ang kanyang pagiging social media influencer.
Hindi niya naman umano inaasahang matatanggap niya ang nasabing mga parangal, basta’t ang alam niya lamang ay ang gawin niya ang kanyang mga obligasyon at responsibilidad.
Nakatakda ang araw ng pagkilala sakanya sa Sangguniang Panlalawigan bukas, Enero 10, 2023.