LEGAZPI CITY – Kinondena ng Albay Provincial Youth and Sports Development Office (PYSDO) ang kamakailang viral video ng isang drag queen na si Pura Luka Vega na nagperform ng dasal na ‘Ama Namin’ bilang ‘Itim na Nazareno’ sa isang bar.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Rhondon Ricafort ng nasabing tanggapan, sinabi niya na hindi nila tinatanggap at kanilang kinokondena ang ginawa ng nasabing drag queen.
Aniya, noong ipinasa ang SOGIE ordinance, nakasaad na wala dapat na pakialamanan sa anumang konteksto ng simbahan at dapat respetuhin ang anumang bagay na kaugnay o may kinalaman dito.
Ayon kay Ricafort, hindi dapat na inilalagay sa kalokohan ang anumang bagay na may kinalaman sa simbahan.
Sinabi niya, ang LGBTQIA ay maluwag na tinanggap ng komunidad, kaya’t wala dapat na dahilan upang bastusin ang simbahan at anumang relihiyon o sekta, dapat umano itong respetuhin.
Samantala, hindi rin sumasang-ayon si Ricafort sa pahayag o paliwanag ng nasabing drag queen na isa lamang iyon na “artistry” at “work of art” sapagkat napakarami naman aniyang maaaring maging work of art, subalit bakit pinili pang bastusin Itim na Nazareno bilang artistry na hindi naman katanggap-tanggap.
Kung hindi man umano hihingi ng tawad ang drag queen sa simbahan, wala silang magagawa subalit mananatili siyang may pananagutan sa buong komunidad lalo na sa LGBTQIA sa bansa.
Kung babalikan, kamakailan ay nag-viral sa social media ang video ng drag queen na sumasayaw at kumakanta ng “Ama Namin” o mas kilalang The Lord’s Prayer sa remix na version nito sa isang bar habang suot-suot ang Black Nazarene costume.
Umani ito ng pambabatikos subalit sa opisyal na pahayag ng drag queen, hindi umano siya humihingi ng apology sapagkat iyon ay work of art at artistry.