LEGAZPI CITY – Umabot na sa 1,500 ang nakolektang mga dugo sa lungsod ng Legazpi ngayong taon 2023 ayon sa City Health Office.
Ito ang inihayag ni Dr. Fulbert Gillego, head ng nasabing opisina sa isinagawang bloodletting activity nitong Sabado, Hulyo 15.
Ayon kay Gillego, hindi na magkukulang ang kanilang supply dahil mayroon na silang mga ginagawang paraan upang hindi maubusan.
Aniya, ang bawat pribadong sektor at barangay ay nagsasagawa rin ng kanilang bloodletting activity upang mabigyan ng supply ng dugo ang lungsod.
Katuwang din dito ang Philippine Army, Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coastguard, Philippine Navy at iba pang mga ahensya ng gobyerno na nagbibigay ng aupply ng dugo.
Sinabi pa ni Gillego, mahalaga ang dugo na ibinibigay ng donors dahil madudugtungan pa ang buhay ng isang taong nangangailangan nito.
Karamihan sa mga nangangailangan ng dugo ay ang mga pasyente na sumasailalim sa dialysis at marami pang iba.