LEGAZPI CITY – Nagpapatuloy sa pagsasagawa ng pag-aaral at inspeksyon ang Albay Provincial Health Office (PHO) sa Rapu-rapu District Hospital bilang imbestigasyon sa naitalang mga pagkasawi dahil sa diarrhea at sa iba pang tinamaan nito.
Sa impormasyon mula sa PHO, nagsagawa sila ng pagkuha ng mga stool sample para sa stool culture at bacteriology ng mga pasyenteng positibo sa diarrhea.
Maliban dito, nagkaroon din ng Barangay Consultation kasama ang Water, Sanitation, and Health (WASH) Team sa iba’t ibang mga barangay na unang nagkaroon ng mga kaso at pagkasawi dahil sa nasabing sakit na kinabibilangan ng Manila at Gaba.
Matatandaan na nagkaroon ng panibagong pagkasawi dahil sa kaparehong sakit sa Brgy. Morocborocan ng nasabing bayan.
Ayon naman kay Sanitation Engr. William Sabater, meron ding pinagsususpetsyahang mga kaso ng diarrhea sa lugar na kung isasama pa sa kabuuan ng mga kaso sa bayan ay posibleng aabot na ito sa mahigit 100 batay sa pagtatantiya nito.
Kung babalikan din, una nang sinabi ni Sabater na under control na ito sa mga barangay na unang nagkaroon ng diarrheal case dahil ilang araw o linggo rin na hindi sila nakapagtala.