LEGAZPI CITY – Nilinaw ni Albay Governor Edcel “Grex” Lagman na hindi siya nag-isyu ng “Order of Decampment” sa mga evacuees ng mga bayan ng Sto. Domingo at Guinobatan.
Kasunod pa rin ito ng kamakailang pagkwestiyon ng gobernador sa mga alkalde ng mga bayan sa pagpapalikas nila sa mga residente kahit hindi naman sakop ng 6 kilometers permanent danger zone ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Lagman, hindi naman kasi maaaring palikasin ang mga residenteng nasa labas ng nasabing PDZ dahil wala naman ito sa guidelines ng PHIVOLCS sa ilalim ng Alert Level 3 status ng bulkan.
Sa nasabing alert level, limitado lamang sa mga nasa loob ng 6 km radius PDZ ang kinakailangang ilikas.
Maaari lamang umanong ilikas ang mga nasa 7-8 km PDZ kapag isinailalim na ang lalawigan san Alert Level 4.
Subalit, maaari naman umano sana siyang magbigay ng exception, kung nakipag-ugnayan ang mga alkalde sa PHIVOLCS at PDRRMC at inilatag ang mga dahilan kung bakit nila papalikasin kung saan maaari pa niyang bigyan ng mga lugar ang mga ito.
Samantala, kahapon din ay nagpalabas na rin ng abiso ang LGU Sto. Domingo sa pangunguna ni Mayor Jun Aguas na kaniya nang ipapa-decamp ang mga evacuees ngayong araw alinsunod sa request ng gobernador; habang si Mayor Paul Chino Garcia naman ng Guinobatan ay tumatangging pabalikin sa kani-kanilang mga lugar ang mga residente.