Aktibong miyembro ng CAFGU, patay matapos magbaril sa sarili nitong Huwebes Santo

BNFM BICOL—Tinapos ng isang 20-anyos na lalaki ang kanyang sariling buhay matapos umano itong magbaril sa sarili nitong Huwebes Santo sa bayan ng Caramoran, Catanduanes.

Sa ulat ng Caramoran PNP, kinilala ang biktimang si CAA Christian Azansa Concepcion, aktibong miyembro ng 83rd IB, 9th ID, Philippine Army at nakabase sa bayan ng San Andres, parehong lalawigan.

Sa salaysay ng kanyang mga kasamahan na pawang mga miyembro rin ng military, binabaybay anila ng kanilang grupo ang daan mula sa bayan ng Pandan patungo sa San Andres sakay ng kani-kanilang motorsiklo.

Habang nasa biyahe ay bigla na lamang umanong hinablot ng biktima ang baril na sukbit ng kanyang kasamahan, saka nagpaputok sakanyang sarili.

Sa pag-aakalang pamamaril ang nangyaring insidente, agad na tumawag sa himpilan ng pulisya ang kapitan ng barangay na si PB Mechor Dayta.

Sa pag responde ng mga operatiba, ang duguang katawan ng biktima ang naabutan ng mga ito at ang nakahambalang na motorsiklo habang narekober din ang 9mm na kalibre ng baril na kargado ng bala, isang basyo at isa pang magazine.

Bago umano mangyari ang insidente, makailang beses na rin na nagkwento ang biktima hinggil sa problema nito sakanyang pamilya. Ganunpaman, nagpapatuloy sa ngayon ang malalimang imbestigasyon ng kapulisan hinggil dito.###