Nagpakawala ng airstrike ang mga kasundaluhan sa kampo ng mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Dungeg, Sta. Teresita, Cagayan.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay Army Major Jekyll Dulawan, Chief DPAO ng 5th Infantry Division Philippine Army, ngayong umaga ng Martes naganap ang engkwentro matapos umanong makumpirma ang hideout ng mga naturang rebelde sa nabanggit na lugar.
Matagal na rin umano nila itong minamanmanan at pinaniniwalaan na rito ang pagawaan ng mga Improvised Explosive Device (IEDs). Ayon pa kay Major Dulawan, dahil masyadong forested ang lugar kaya humingi ang operating troops ng close air support sa Philippine Air Force.
Aniya, tinatayang nasa 40 na mga rebeldeng NPA ang nakasagupa ng kasundaluhan na nagtagal ng halos 20 minuto.
Kinumpirma rin ni Maj. Dulawan na walang naitalang casualties sa tropa ng pamahalaan.
Bagaman hindi pa nila aniya matiyak kung may nasawi sa panig ng mga rebelde subalit posible umanong may casualty sa mga ito.
Kabilang aniya ang naturang grupo ng CPP-NPA sa East Front ng probinsya ng Cagayan at miyembro ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV). Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang clearing operations ng kasundaluhan sa pinangyarihan ng engkwentro.