Hinimok ng Philippine Army ang mga miyembro ng New People’s Army na sumuko na upang hindi matulad ang mga ito sa 18 miyembro ng rebeldeng grupo na nasawi sa gitna ng armadong pakikibaka sa Dolores, Eastern Samar.
Sinabi ni Major General Pio Diñoso, commander ng 8th Infantry Division ng Army na nakabase sa Samar, na patunay ang huling engkwentro na kamatayan ang naghihintay para sa mga rebelde na ayaw magbalik-loob sa gobyerno.
Iginiit naman ng opisyal na bagamat patuloy nilang aalukin ang mga rebelde ng tyansa na sumuko, ay kailangan nilang gumanti sakaling mas piliin ng NPA ang karahasan.

Matatandaan na inisyal na naiulat na nasa 16 na rebelde ang napatay sa kanilang engkwentro.
Pero nitong Martes ay nagawa ng militar na ma-recover ang dalawang karagdagang bangkay.
Nakumpiska rin ng mga otoridad ang 29 na high-powered firearms mula sa mga rebelde.
Ito na ang pinakamataas na bilang ng enemy casualty sa isang engkwentro na naitala ng militar sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong November 2017, ay napaslang rin ang 14 na rebelde sa isang engkwentro sa Nasugbu, Batangas.