KORONADAL CITY- UMAKYAT na sa 20 ang namamatay dahil sa dengue sa Soccsksargen region ngayong taon.
Batay sa datos ng Department of Health o DOH Region 12 mula noong January 1 hanggang June 11, pito sa mga namatay ay residente ng General Santos City at pito din sa North Cotabato, 3 sa South Cotabato, 2 sa Sultan Kudarat at isa sa Saranggani.
Inihayag ni Dr. Dyan Zubelle Parayao, head ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit o RESU ng DOH 12 na ang mga namatay ay nasa edad 2 years old hanggang 57 anyos. Walo sa mga ito ay may edad na 10 anyos pababa.
Ngunit mas mababa ang kaso ng dengue ngayon na nasa 2, 396 lamang kumpara sa 2,585 noong 2021.
Hinihikayat naman ng mga health authorities ang publiko na agad na magpasuri sa mga health centers oras na makaramdam ang mga ito ng sintomas ng dengue tulad ng lagnat na nagtatagal ng 2 hanggang 7 araw, rashes, pagsusuka, kawalan ng ganang kumain, at pagdurugo ng ilong at gilagid.
