Populasyon ng mga paniki sa Apuao island umunti, DENR umapela sa publiko na pangalagaan ang iba’t- ibang uri ng flying foxes sa lugar

CAMARINES NORTE- Umunti ang populasyon ng mga paniki o flying foxes sa Apuao island sa bayan ng Mercedes Camarines Norte na isa sa kanilang natural habitat.

Batay sa isinagawang pag- aaral at population count ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong nakatalikod na buwan ng Marso, nasa 6, 871 na lang ngayon ang populasyon ng mga paniki sa isla na mas mababa kumpara noong mga nagdaang taon.

Naitala ang pinakamataas na population count nito noong second quarter ng 2020 at third quarter ng 2017 na mayroong  pang 50, 000.

Noong 2021 ay naitala ang unti- unti pagbaba ng bilang ng mga flying foxes sa lugar.

Sa first quarter ay mayroon itong bilang na 10,000 at muling tumaas sa second quarter na umabot sa 21, 261 at sa third quarter na tinatayang nasa 10, 367.

Read More:  8 goats found dead with bite marks in Antique

Ayon sa DENR ang pagbaba ng bilang populasyon ng mga paniki sa kanilang natural habitat sa isla ay dahil na rin sa pagtumbahan ng mga puno bunsod  ng magkakasunod na bagyo na tumama sa lalawigan.

Sa naging panayam naman ng Brigada News FM Daet kay OIC- Provincial Environment and Natural Resources Officer Marlon Francia ipinaliwanag nito ang ilan sa mga dahilan ng pagbaba ng populasyon ng mga paniki.

Kaya bumababa yung kanilang population unang- una yung threat sa tao, pangalawa yung merong tinatawag silang natural predators kagaya nung mga ibang hayop din,” ani Francia.

Nagpapalipat- lipat din umano ang mga ito ng tirahan para maghanap ng pagkain.

Read More:  CCTV records alleged abduction in Cebu City

Ayon kay Francia malaki ang ambag ng mga paniki sa ecosystem dahil ang mga ito aniya ay natural pollinators.

Sa ngayon ang ginagawa umano ng DENR ay patuloy ang pagmomonitor hindi lang sa Apuao island kundi sa iba pang lugar na pinananahanan ng iba’t- ibang uri ng paniki.

Umapela rin ang ahensiya sa mga tao na huwag saktan o patayin ang mga paniki.

Ayon kay Cherie Ann Lo, Planning Officer ng DENR Provincial Office, madalas umanong iniuugnay ang mga paniki sa masamang espiritu, manananggal at aswang.

Kaya naman ipinapaunawa umano ng ahensiya sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga information campaign na ang mga paniki ay hindi perwisyo o nakakatakot sa halip ay may malaking ambag sa pagpapanatili ng balance ng ecosystem.