CAMARINES NORTE – Magsisimula na sa Abril 12 hanggang 28 ng taong kasalukuyan ang filing of application para sa Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) na isasagawa sa Hunyo 19.
Ayon sa Civil Service Commission Provincial Field Office hindi bababa sa 600 Cam Norteño ang inaasahang kukuha ng naturang eksaminasyon.
Nasa 450 umano ang nakalaan para sa Professional habang 150 naman sa sub- professional.
Mayroon pa ring limitasyon sa bilang dahil kailangang masunod ang health protocols at hindi makompromiso ang kaligtasan ng mga examinees.
Sa pagkakataong ito ay hindi na rin kailangang dumayo pa sa Naga City o sa labas ng probinsiya ang mga taga Camarines Norte na kukuha ng CSE- PPT.
Noong March 2022 CSE- PPT nasa 427 ang kumuha ng professional exams habang 166 naman ang sub professional.
Pero hindi tulad noon na agency request lang ang accommodation, ngayong Hunyo ay bubuksan ito sa lahat na nagnanais kumuha ng exam pero first-come, first-served basis.
Maaaring isara ang filing of application bago ang nakatakdang deadline kapag napunan na ang slots.
