CAMARINES NORTE- Hinimok ng Armed Forces of the Philippines ang mga kumakandidato ngayong eleksyon na sa Comelec lang humingi ng permit para sa kampanya at huwag lumapit sa ibang grupo.
Sinabi ito ng kinatawan ng AFP na si Cpl Leonito Regalario sa isinagawang Candidates Briefing sa bayan ng Basud, Camarines Norte kahapon.
Bagamat hindi tinukoy ni Regalario kung sino o anong grupo, alam na raw ito ng mga kandidato.
Paliwanag nito na kapag lumapit sa iba maliban sa Comelec ay magkakaroon na ng utang na loob at hindi umano namamalayan na sumusuporta na pala ang mga kandidato sa hindi binanggit na grupo o samahan.
Bilang kandidato at nagnanais na maging public official ay iisa lamang naman umano ang adhikain ng lahat at ito ay ang magkaroon ng maayos at matiwasay na eleksyon.
Samantala, patuloy rin daw ang offensive operation ng mga kasundaluhan at kapulisan kaugnay sa nangyaring engkwentro sa Barangay Kanapawan, Labo noong Miyerkules.
Sa naturang engkwentro ay isang sundalo at isang hinihinalang miyembro ng New People’s Army ang nasawi.
Nangyari ang engkwentro sa lugar habang nagsasagawa ng combat security operation ang militar at pulis kasunod ng mga sumbong ukol sa pananakot at extortion activities umano ng mga rebelde sa lugar.
