Pinag-usapan sa nagdaang pagpupulong ng Isabela Road Safety Council kung paano masosolusyunan ang lumalalang sitwasyon ng drunk driving sa lalawigan ng Isabela.
Binanggit ni Atty. Ma. Cristina dela Rosa, Provincial Prosecutor, ang kaugnay sa RA 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act” sa naturang pagpupulong.
Kahit mayroong mga kaso ng drunk driving ay nadi-dismiss din umano kalaunan dahil sa kawalan ng Alcohol Breath Analyzer (ABA).
Paliwanag ni Prosecutor Dela Rosa, hindi ang doctor ang magpapatupad nito kundi ang mga enforcers na nasa site ang kailangang magpatupad ng nasabing batas.
Wala umanong budget na naibigay sa PNP na gagamitin para magkaroon ng breath analyzer.
Hindi rin umano maisasampa ng kapulisan ang kasong may paglabag sa RA 10586 kung walang breath analyzer.
Ayon pa kay Prosecutor Dela Rosa, kailangang magkaroon ng at least 2 breath analyzer ang bawat munisipalidad.
Samantala, inihayag naman ni Land Transportation Office (LTO) Region 2 Regional Director Romeo Solomon Sales, mayroong 23 na kasakuyang breath analyzer ang rehiyon kung saan ang 13 dito ay dinala sa Manila upang maisalalim sa calibration.
Kabilang sa mga dumalo sa naturang pagpupulong sina Public Safety Officer and Council Action Officer Atty. Constante Foronda Jr., Provincial Administrator Atty. Manuel Lopez, iba pang Provincial Officials, PNP at mga kinatawan ng transport group sa lalawigan.