Lalo pang tumaas ang personal remittances ng Overseas Filipinos sa buong taon ng 2021 sa US$ 34.884 bilyon, sa kabila ng COVID-19 pandemic sa buong mundo.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), all-time high daw ito kung ikukumpara sa pre-pandemic figure na US$ 33.467 bilyon noong 2019 at US$ 33.194 bilyon noong 2020 sa kasagsagan ng lockdowns sa buong mundo o mas lumaki ng 5.1%.
Dagdag ng BSP, na ang naturang halaga ay katumbas ng 8.9% Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Noong December 2021, nagpadala ang mga Pilipino sa abroad sa kanilang mga kaanak, na may kabuuang US$ 3.298-B na pinakamalaking buwanang padala na naitala mula nang simulan ang personal remittances data tracking ng BSP noong 2005.

Para sa BSP, ang muling pagbubukas ng mga ekonomiya sa maraming bansa noong nakaraang taon at muling pagsigla ng OFW deployment at malaking demand sa Filipino workers ang dahilan ng pagsipa sa bilang ng personal remittance.