CAMARINES NORTE- Sinilbihan ng warrant of arrest sa loob ng kulungan ang isang 42-anyos na lalaki ng mga tauhan ng Mercedes Municipal Police Station Huwebes ng tanghali, November 4.
Kinilala ang akusado na si alyas “Ogi” 42, mangingisda may kinakasama at residente ng Purok 3, Barangay Manguisoc sa naturan ding bayan.
Ginawa ang pag aresto kay alyas Ogi sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Rene Morallo De La Cruz, ng Family Court–Branch 5 dito sa Daet, na may petsang Oktubre 22, 2021 para sa kasong RAPE in Relation to RA 7610 o Child Abuse.
Si Ogi ay akusado sa pangagahasa sa menor de edad na pamangkin na nangyari umano siyam na taon na ang nakakalipas.
Ayon sa PNP, Oktubre noon pang taong 2012 nang di umano ay gahasahin ng akusado ang kanyang menor de edad na pamangkin na naganap sa mismong tahanan pa man din ng lola ng biktima.
Nauna na ring inaresto ang nasabing akusado na kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng Mercedes MPS dahil sa kasong Acts of Lasciviousness na isinampa naman ng kapatid rin ng biktima.
Noong 2019 iniulat ng Philippine Commission on Women (PCW) na nasa isang babae o bata ang nabibiktima ng panggagahasa kada oras sa bansa.
Batay sa datos 23 kababaihan o kabataan ang nabibiktima ng rape kada araw o katumbas ng halos isang kaso kada oras.
Sa kanilang tala, 75 porsiyento ng mga naitalang kaso ng rape ay mga batang may edad 1 hanggang 17 ang biktima.
