Social distancing sa vaccination site hirap nang masunod dahil sa dami ng mga nagpapabakuna, PNP paulit- ulit ang paalala

CAMARINES NORTE- Hirap nang masunod ang social distancing sa vaccination site dahil sa dami ng mga taong nakapila na nagnanais na mabakunahan.

Maaga pa lamang kanina ay mayroon nang pila sa Gregorio Pimentel Elementary School dito sa Daet bago pa man magbukas ang bakunahan.

Dakong alas 9 ng umaga ay lalo pang humaba ang pila at hirap nang masunod ang social distancing dahil nagsisiksikan na ang mga tao.

Paulit- ulit naman ang paalala ng PNP na sundin health protocols lalo na ang tamang distansiya sa bawat isa.

Marami din ang nakapila sa Basud Sports Complex para magpabakuna.

Read More:  Ancestral domain application in Negros filed in 2005 wins NCIP approval

Pero kahit marami, hindi naman ito katulad noong isang linggo na sa labas pa lamang ng vaccination site ay mahaba na ang pila kaya’t nasusunod pa naman ang social distancing.

Ngayong araw ay nakatakdang magbakuna para sa  first dose ng Moderna at first at second dose naman ng Sinovac.

Sa datos ng LGU, nasa 13, 161 na ang nabakunahan sa bayan ng Basud hanggang noong October 30.

Read More:  Rider dies after crashing into trailer truck in Davao City

Sa bilang na ito, nasa 6, 437 naman ang fully vaccinated.

Nagsasagawa rin ngayon ng pagbabakuna sa coastal barangay ng Mercedes.

Ginagawa ang pagbabakuna sa Cayucyucan Elementary School para sa lahat ng mga nagnanais na may edad 18 anyos pataas, senior citizens at ang mga hindi pa nabibigyan ng ikalawang turok.

Batay sa vaccine statistics ng Department of Health hanggang noong October 26, nasa 245, 781 na ang doses na natanggap ng Camarines Norte.

Sa bilang na ito 76 % ang nabakunahan ng first dose at 41 % naman ang nakatanggap na ng second dose.