Kinumpirma ng DSWD Region 2 na malapit nang matapos ang isinagawang balidasyon ng kanilang Project Development Officer sa mga bahay na nasira dahil sa pananalasa ng bagyong Kiko.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DSWD Regional Information Officer Brendan Jansenn Tangan, ito ay upang matukoy umano ang mga pamilyang mapapabilang sa Emergency Shelter Assistance o ESA.
Sa katunayan aniya, ang datos sa Uyugan, Batanes na lamang ang hinihintay ng ahensya upang maipasa na ang listahan ng validated beneficiaries sa Central Office.
Ayon pa kay RIO Tangan, magiging basehan umano ng kanilang pondo ang mga navalidate na totally at partially damaged houses.
Dahil dito ay hindi pa matutukoy ng ahensya kung magkano ang financial assistance na ibibigay sa mga pamilyang nasira ang kabahayan.
Magugunita na sa nakaraang mga bagyo ay umabot sa 15,000 kada pamilya ang naibigay sa mga partially damaged at 30,000 naman sa mga pamilyang totally damaged ang bahay.
Nilinaw naman niya na ang MSWDO ang tumutukoy sa posibleng benepisaryo ng ESA kung saan nagmula sa LGU ang listahan.
Sa ngayon ay hinihintay pa lamang ng ahensya ang pondo at guidelines na ibababa ng Central office upang maihanda na ang payroll sa mga benepisaryo ng ESA.
Samantala, kabuoang 1,201 na ang naitalang totally at partially damaged sa rehiyon kung saan 1,185 ang mula sa Batanes at 16 naman sa Cagayan.
Sa ilalim ng Assistance In Crisis Situation (AICS) ay nasa 19 na pamilya na rin sa Batanes ang nabigyan ng 5,000 cash assistance kada pamilya habang 85 families naman sa Cagayan.