WHO, hiniling ang pagpapalawig ng moratorium sa COVID-19 vaccine booster shots hanggang 2022

Nanawagan ang World Health Organization sa lahat ng mga bansa na iwasan muna ang pamamahagi ng extra COVID-19 shots hanggang sa katapusan ng taon.

Ipinunto ng WHO na nasa milyon-milyong mga tao pa rin ang hindi nakakatanggap ng first dose ng bakuna sa buong mundo.

Iginiit ni WHO chief Tedros Adhanom Ghebreyesus na hindi siya mananahimik habang iniisip ng mga kompanya at mayayamang bansa na kumokontrol sa suplay ng bakuna na ang mga tira-tira na lang ang dapat ibigay sa mga mahihirap na bansa.

Binigyang diin ni Tedros na ayaw nilang makita na nabibigyan ng boosters ang mga malulusog na tao na nakumpleto na ang pagpapabakuna.

Ipinunto naman ng WHO na nangako ang mga high-income countries na mamahagi ito ng mahigit 1-billion doses ng bakuna sa mga mahihirap na bansa.

Gayunman, sinabi ng WHO na 15-percent lamang ng mga naipangako na doses ang nag-materialize.