Muling binigyang diin ni Senator Christopher “Bong” Go na nakatuon ngayon ang kanyang buong atensyon sa pagtulong sa COVID-19 response at vaccination efforts ng gobyerno sa halip na pulitika.
Payo ni Go, hintayin nalang ang period ng paghahain ng certificate of candidacy sa Oktobre, matapos na matanong sa kanyang reaksyon kaugnay sa mga isyu para sa 2022 elections.
“Hintayin na lang po natin yung October 1 up to October 8, ‘yun naman po ‘yung panahon ng filing ng certificate of candidacy. So ngayon, nakatutok muna ako sa COVID response natin. Unahin muna natin itong pandemic na ito. Bakuna muna bago ang pulitika, saad ni Go.
Giit ng senador, importanteng malampasan muna ng bansa ang pandemya, dahil baka wala na umanong pulitikang pag-usapan kung uunahin natin ang pulitika.
Samantala, muling inihayag naman nito ang kanyang suporta kay Davao city Mayor Sara Duterte, sakaling tumakbo ito pagkapangulo sa 2022, at sinabing ibibigay niya ang parehong suporta, tiwala at kumpiyansa na kanyang ibinigay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
“Kung ano po ang desisyon ng mga Duterte, suportado ko po. Kung ano po ‘yung desisyon ni Mayor Inday Sara, suportado ko po ‘yan at malaki po ang aking paniniwala sa kakayahan ni Mayor Inday Sara. Kung ano ‘yung tiwala ko sa kanyang ama, ganun rin po ang tiwala ko sa anak,” pahayag ni Go.
