Magsasagawa ang Department of Trade and Industry-Isabela katuwang ang LGU Santiago City ng 7 araw na hybrid trade fair sa lunsod bilang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Sa panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan kay DTI-Isabela Director Winston Singun, magsisimula ang nasabing trade fair sa June 10 na magtatapos sa June 16, 2021 sa Robinson Santiago City na may temang “OTOP natin to, tatak Pilipino, ipagmalaki sa buong mundo”.
Aniya, tampok dito ang mga lokal na produkto ng mga Micro Small Business Enterprises na sinusuportahan ng DTI-Isabela at LGU Santiago.
Mayroong 20 na MSME ang mamalagi sa nasabing mall upang ibenta ang kanilang produkto habang 27 naman ang magbebenta online.
Samantala, nagsimula na kahapon ang Pinoy Food Fiesta Fair sa SM City Cauayan na nilahukan ng 10 MSME kung saan magtatagal ito hanggang June 10, 2021.
Tampok naman dito ang mga produktong cookies, bread, cakes, coffee, cacao products, tofu, chichacorn at condiments.
Ayon pa kay Dir. Singun, ang naturang tade fair ay bilang pagsuporta sa mga MSME na nangangailangan ng exposure sa kanilang negosyo ngayong nagpapatuloy ang pandemya.
Hinikayat naman nito ang publiko na tangkilikin ang mga local na produkto ng mga MSME ngayong Araw ng Kalayaan.