Sinimulan na ng Sangguniang Kabataan Provincial Federation ang inisyal na roll-out ng proyektong free-range chick dispersal para sa mga out-of-school-youth sa Santo Tomas at Cabagan, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, layunin ng free range chicken dispersal project na bigyan ang 10 kabataan na kabilang sa OSY ng oportunidad na magnegosyo bilang tulong sa kanilang pamilya na lubos na naapektuhan ng pandemya.
Ang mga ikinokonsiderang benepisaryo sa naturang proyekto ay mula sa 20 na napiling munisipalidad ng Isabela.
Bawat OSY ay mabibigyan ng 12 chicks at 5-kilogram ng chick boosters na aabot sa loob ng 15 na araw.
Nagkaroon din ng poultry production and management seminar na pinangunahan ng Provincial Veterinary Office upang maihanda ang mga kabataan sa mga paraan ng pagpapalaki at pag-aalaga ng manok.
Habang isinagawa naman ni SK Provincial Federation President Dax Paolo Binag ang pagpapaliwanag sa Memorandum of Agreement upang ipaalam sa mga SK Barangay Office at mga benepisaryo ang kanilang responsibilidad sa naturang proyekto.