Umaabot na sa 95 percent ang kabuuang residente ng Barangay Banyaga at Barangay Bilinbinwang sa Bayan ng Agoncillo Batangas ang nailikas na patungong mga evacuation center dahil sa nagpapatuloy na aktibidad ng Bulkang Taal.
Ito ay simula pa noong mag-umpisa ang muling pag-aalburoto ng bulkan at matapos na ipatupad kahapon ng Batangas PNP ang lockdown sa mga nasabing barangay.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang tanging papayagan na lamang na makabalik pansamantala sa barangay ay ang mga may naiwang kabuhayan partikular ang mga may palaisdaan sa lawa ng Taal.
Kaugnay nito, nagbigay na ng travel pass ang lokal na gobyerno para sa mga residenteng babalik sa kani-kanila para magpakain ng mga alagang hayop.
Mababatid na noong Sabado ay force evacuation na ang ipinatupad ng lokal na pamahalaan sa mga residente kung saan nagkaroon na rin ng mga police checkpoints.
Samantala, pagkain at mga gamut ang pangunahing kailangan ngayon ng bayan.
Aminado si Agonicillo Mayor Daniel Reyes na hindi na sasapat sa susunod na mga araw ang kanilang calamity fund.
Ayon sa alkalde, mangangailangan sila ng aabot sa dalawang milyong piso upang masisigurong mapapakain ang lahat ng evacuees.
Samantala, nakatakda nang magpadala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga food packs para sa mga residente sa bayan na apektado ng Bulkang Taal.