Kalunos-lunos ang sinapit ng siyam na katao kabilang na isang sanggol matapos araruhin ng isang van sa Brgy. San Lorenzo, Lal-lo, Cagayan.
Ayon sa Lal-lo Police Station, ang mga biktima ay galing umano sa lamay at nakatambay sa gilid ng daan nang bigla umanong tumbukin ng isang van na minamaneho ni Dan Vincent Domingo, Army reservist at residente ng Bulanao, Tabuk City, Kalinga.

Batay sa kanilang imebstigasyon, mabilis ang pagpapatakbo ni Domingo sa pakurbang bahagi ng daan at nawalan ng kontrol sa manibela dahilan upang araruhin ang mga biktimang nakatambay sa daan.
Sumalpok din ang naturang van sa isang bahay pagkatapos ay dumiretso sa garahe ng isa pang bahay kung saan dito nabangga ang mga nakaparadang tricycle at fortuner hanggang sa bumangga pa ito sa isa pang bahay.
Dahil sa lakas ng impact ng pagkabangga ay nagkalasog-lasog ang katawan ng mga biktima habang wasak naman ang naturang van.
Nagtamo din ng malalang sugat sa katawan si Domingo at ang kasamaha nitong kapuwa reservist na si Allan Jay Parungao, 29-anyos at residente ng Dagupan Centro, Tabuk City, Kalinga.
Dinala ang dalawa sa hiwalay na pagamutan habang patuloy ang imbestigasyon ng kapulisan kaugnay sa nangyaring aksidente. (BNFM- CAUAYAN ISABELA)