Nahaharap na sa kaso ang limang indibidwal na pinaniniwalaang nagkakalat ng fake news sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ito ang inanunsyo ng Malacañang kasabay ng babala nitong seryoso ang gobyerno sa pagpapanagot sa mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon.
Batay sa impormasyon mula sa Philippine National Police (PNP), sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na limang tao ang kinasuhan dahil sa unlawful use of publication and unlawful utterances sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act at pagpapakalat ng tsismis at maling impormasyon sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Dahil dto, nagbabala si Roque sa mga nagpapakalat ng fake news na mahahanap sila ng otoridad, masasampahan ng kaso at ikukulong.
Mababatid na una nang sinisi ni Roque sa fake news ang pagdagsa ng mga tao sa mga vaccination sites noong nakaraang linggo at iginiit na hindi ito dahil sa babala ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga di pa nababakunahan.
Itinanggi rin ng kalihim ang maling impormasyon na di papayagan ng pamahalaan ang mga di pa nababakunahan laban sa COVID-19 na lumabas ng bahay at di bibigyan ang mga ito ng cash aid sa kasagsagan ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ).
