Target umano ng pamahalaan na makapagbakuna ng isang milyong COVID-19 vaccines kada araw depende sa suplay ng mga bakuna.
Ito ang sinabi ni testing czar Vince Dizon matapos ang panawagan ni Vice President Leni Robredo na palakasin pa ng gobyerno ang vaccination drive at targetin ang 750,000 tests per day.
Ang mga suwestyon ng bise presidente ay para matiyak ng gobyerno na magiging huli na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Pero, sinabi ni Dizon na ang target ng pamahalaan ay mas mataas pa sa 750,000 at noong nakaraang linggo ay nag-all time high na ang bansa sa 710,000 kaya naman dapat magtulungan ang lahat dahil karera ang hinahabol ng bansa laban sa COVID-19 variant.
Gayunman, nilinaw ni Dizon na magiging posible lamang ang target kung matutugunan ang mga hamon sa supply chain lalo na’t hirap makakuha ng bakuna ang mga bansang walang kakayanang gumawa ng sarili nilang COVID-19 vaccines.
Mababatid na target ng pamahalaan na makamit ang herd immunity bago matapos ang taon para makabangon nang muli ang ekonomiya at mapigilan ang pagkalat ng mas nakakahawang Delta variant na dahilan ng pagsasailalim sa Metro Manila at iba pang probinsya sa enhanced community quarantine (ECQ).
Mababatid na kahapon, inanunsyo ni presidential spokesperson Harry Roque na pumalo na sa 24,479,750 COVID-19 vaccines ang naiturok na, 11,391,969 rito ay fully vaccinated na.
