Tuluyan nang sumurender ang apat na kasapi ng rebeldeng grupong New People’s Army makaraang masawi ang kanilang lider sa nangyaring engkwentro noong Sabado, Hulyo 15 sa Brgy Boton, Casiguran, Sorsogon.
Sa impormasyon na ekslusibong nakuha ng Brigada News, nasukol umano ng mga sundalo, na nagsagawa ng hot pursuit operations, ang apat na NPA sa Brgy Marinas at napakiusapan sila na sumurender na lamang.
Kasabay din na ibinaba ng mga ito ang kanilang armas na kinabibilangan ng tatlong M16 rifle.
Matatandaan na sumiklab ang bakbakan ng magkabilang panig alas 7:30 ng umaga noong Sabado sa Brgy Boton Casiguran.
Matapos ang 15 minutong palitan ng putok ay bumulagta ang lider ng NPA na nakilalang si Fernando De Marquez Dialogo alias Karen, lider ng Platun 1, Sentro De Gravidad (SDG), Kilusang Larangan Gerilya 1, Sub-Regional Committee 3 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC) at residente ng Brgy Lapinig, Gubat, Sorsogon.
Kinilala lamang ang apat na rebelde sa kanilang pangalan sa hukbo na sina Ka Boy, Ka Tinay, Ka Syete at Ka Jayson.
Isasailalim ang mga ito sa tactical interrogation bago i-enroll sa E-CLIP.
