LEGAZPI CITY – Bagama’t mayroon pang sapat at natitirang suplay ng relief ang pamahalaan para sa mga Mayon evacuees, kulang na umano ito kung tumagal pa ang abnormalidad ng bulkang ayon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Albay.
Posible umanong maubos na rin ang inilaang pondo nito mula sa quick response fund (QRF) na aabot sa PHP30M.
Ayon kay Gov. Atty. Edcel “Grex” Lagman, posibleng magpasaklolo na ang lalawigan sa national government pagdating sa pagbibigay ng ayuda sa libu-libong mga pamilyang nananatili pa rin sa mga evacuation centers ngayon sa lalawigan.
Pinangangambahan din ng gobernador ang mga kalamidad pang posibleng kaharapin o dumating pa sa lalawigan sa gitna ng nag-aalburutong bulkan, dahil magiging malaking problema umano ito sa mga pamilyang maapektuhan.