Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Eleazar sa Cebu Provincial Police Office na imbestigahan mabuti ang kontrobersyal na beach party sa Camotes Island noong Hulyo 10.
Sa isang statement, sinabi ni Eleazar na susundin nila ang direktiba ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na imbestigahan ang nasabing party na dinaluhan umano ng ilang politiko.
Posibleng nalabag umano ng pagdiriwang ang minimum public health safety standards at mga quarantine protocols.

Hinimok rin ni Eleazar ang local police na tingnan mabuti ang mga ebidensya at makipag-ugnayan sa local government unit (LGU) tungkol sa insidente.
Naging kontrobersyal ang isyu matapos na makatanggap ng reklamo ang opisina ng DILG tungkol sa isang beach party na ginanap noong July 10 mula sa hindi nagpakilalang indibidwal.
Kasunod nito ang pagkalat ng videos na nagpapakita ng paglabag sa minimum public health safety standards at quarantine protocol.