Isinusulong ngayon sa House of Representatives ang panukalang batas na magpapalawak sa sakop ng paternity leave.
Inihain ni Quezon City 4th Rep. Marvin Rillo ang House Bill No.4430, na layong taasan ang fully paid paternity leave benefits ng bawat nagtatrabahong ama mula sa kasalukuyang pitong araw hanggang 30 araw upang ang mga tatay na ito ay epektibong makapagbigay ng suporta sa ina at kanilang anak.

Sakop rin ng panukala na mabigyan ng 30 days paternity leave with pay ang mga tatay kahit hindi kasal ngunit malayang makapagpakasal at nagsasama na.
Igniit ni Rillo na hindi dapat balewalain ang mga working father kahit hindi pa kasal sa ina ng kanilang anak.
Samantala sa ilalim ng Expanded Maternity Leave Law of 2019, ang isang ina ay maaari ding maglaan ng hanggang pitong araw ng kanyang 105-days na fully paid maternity leave credit sa ama ng bata nang walang diskriminasyon sa kanyang marital status.//CA