CAMARINES NORTE- Pormal nang sinimulan kahapon ang tatlong taong paghahanda para sa Golden Jubilee Celebration ng Diocese of Daet sa 2024.
Pinangunahan ni Bishop Rex Andrew Alarcon ang unveiling ng Golden Jubilee logo sa isinagawang Concelebrated Mass sa pagdiriwang ng ika- 47 taong pagkakatatag ng Daet bilang Diyosesis sa Holy Trinity Cathedral.
Tema ng 3- year preparation ay “We Remember, Renew, Share and Response.”
Sa kaniyang homily, hinimok ni Bishop Alarcon ang mga pari, relihiyoso at layko na magpakatatag sa gitna ng napakaraming pagsubok at lumago sa pagkilala sa Diyos..
Aniya, magandang paalala rin sa lahat na habang ipinagdiriwang ang ika- 500 taon ng kristiyanismo sa bansa ay huwag iwaksi ang magagandang alaala ng pananampalataya.
Hindi raw sana iwaksi ang pananampalataya kahit marami na ang nagbago at patuloy na nagbabago sa mundo.





Nakatuon ang unang taon ng paghahanda sa pagpapatalas ng memorya at pagbabalik tanaw sa mga nangyari ng nakaraan.
Itinatag ang Diocese of Daet noong September 1, 1974 na isa sa mga sufragan Dioceses ng Archdiocese of Caceres.
Maliban sa mga pari at relihiyoso, dinaluhan din ng mga layko ang selebrasyon kahapon na nagmula sa iba’t- ibang vicariates at 30 parokya ng Diyosesis.
Nasa 629, 699 ang kabuuang populasyon ng Camarines Norte batay sa 2020 Census of Population and Housing ng Philippine Statistics Authority (PSA) at tinatayang hindi bababa sa 80 % nito ay katoliko.
(Photos: Paroquia De San Juan Bautista Fb)
